Sabi nila wag ako masyadong umasa
kasi wala naman talagang kakapitan,
ano nga naman ang pwedeng panghawakan.
Sabi nila wag ako masyadong umasa
kasi sakit ang kahihinatnan
at ayaw lang naman nila ako makitang masaktan.
Sabi nila wag ako masyadong umasa.
Siguro, kung aasa, yung konti lang,
yung sakto lang,
yung naglalaro sa linya, sa palagitnaan,
yung sasabihing naniniwala ngunit sa katunayan nakahanda na kabiguan ang kalabasan
sapagkat ang Dios ay marahil na hindi ako pagbibigyan.
Siguro, di nila maintindihan
na mas gusto ko maghintay nalang,
panandalian man o pang-matagalan,
kahit masakit, kahit nahihirapan
kaysa habambuhay magsisi na di man lang nanlaban,
di man lang nagbigay katiyakan at katibayan sa mga dasal na dinadala sa Dios na sinabi kong aking pinagkakatiwalaan.
Sabi nila wag ako masyadong umasa,
ngunit aasa ako,
buong-buo,
dahil alam kong walang imposible Sayo.
Ano nga ba ang pananampalataya kung hindi pagkatatag ng kalooban sa Siyang hindi nakikita na kayang ipagpatupad ang hindi pa nakikita?
At kung di man makuha ang inaasam,
magtitiwala ako na may mabuti Kang dahilan,
na importante parin yung proseso,
at na mas hihigit pa dito ang ibibigay Mo.
Kung di man makuha ang inaasahan,
aasa nalang muli,
sapagkat Ikaw ang pag-asa ko.