Sabi Nila, Wag Umasa

Sabi nila wag ako masyadong umasa
kasi wala naman talagang kakapitan,
ano nga naman ang pwedeng panghawakan.

Sabi nila wag ako masyadong umasa
kasi sakit ang kahihinatnan
at ayaw lang naman nila ako makitang masaktan.

Sabi nila wag ako masyadong umasa.
Siguro, kung aasa, yung konti lang,
yung sakto lang,
yung naglalaro sa linya, sa palagitnaan,
yung sasabihing naniniwala ngunit sa katunayan nakahanda na kabiguan ang kalabasan
sapagkat ang Dios ay marahil na hindi ako pagbibigyan.

Siguro, di nila maintindihan
na mas gusto ko maghintay nalang,
panandalian man o pang-matagalan,
kahit masakit, kahit nahihirapan
kaysa habambuhay magsisi na di man lang nanlaban,
di man lang nagbigay katiyakan at katibayan sa mga dasal na dinadala sa Dios na sinabi kong aking pinagkakatiwalaan.

Sabi nila wag ako masyadong umasa,
ngunit aasa ako,
buong-buo,
dahil alam kong walang imposible Sayo.

Ano nga ba ang pananampalataya kung hindi pagkatatag ng kalooban sa Siyang hindi nakikita na kayang ipagpatupad ang hindi pa nakikita?

At kung di man makuha ang inaasam,
magtitiwala ako na may mabuti Kang dahilan,
na importante parin yung proseso,
at na mas hihigit pa dito ang ibibigay Mo.

Kung di man makuha ang inaasahan,
aasa nalang muli,
sapagkat Ikaw ang pag-asa ko.

Limang Maikling Tula Para sa Kanya

Disclaimer: I wrote this as a creative challenge to myself more than anything. 
(Putting that disclaimer up for my dad more than anything 😂).

Isa, dalawa, tatlo, apat, lima
Binibilang ang araw hanggang tayo’y muling magkita
Isa, dalawa, tatlo, apat, lima
Binibilang ang beses na sinabi sa puso, tama na

Isa
Alam mo bang ako’y nabighani sa iyong mga mata?
Alam mo bang ang ngiti mo’y nakaukit sa aking gunita?
Alam mo bang ang bawat galaw, bawat sulyap, aking itinatala?

Isa
Isang beses ko palang ito nagawa, nadama

Dalawa
‘Di makahinga, ‘di makaimik
Idinadaan na lamang sa nakaw na tingin
Sa loob-loob, nanalangin
Na balang araw, ika’y maging akin

Tatlo
Ang kathang isip lamang, pwede ba maging katotohanan?
Araw-araw nagdadasal sa Diyos na Siya’y gumawa ng paraan
Ngunit kung sabihin Niya na kailangan kang bitawan
Ako’y handang magparaya, magpalaya,
Lumisan

Apat
Sapagkat ayaw kong pilitin ang tadhana
Hihintayin na lamang ang nakatakda

Lima
Nangangamba, ngunit nagbabakasali
Gusto kita
Gustong gusto kita
Pero Diyos parin ang natatangi